Sa pulu-pulong isla ng Pilipinas sa may dakong Silangan, makikita mo ang bansang Pilipinas, ang pugad ng mga taong tinatawag na Pilipino. Kayumanggi ang kulay ng kanilang balat, maliit at may katamtamang pangangatawan dahil na rin sa mga ninunong tinatawag na Australopithecus. Nakatira sila sa kubo at nagsasalita ng iba't ibang lenggwahe ngunit nasolusyunan naman dahil sa pagkakatuto sa wikang kung tawagin nila ay Tagalog na ngayo'y kinikila sa wikang Filipino.
Maraming bansa na ang sumakop rito at nagkaroon ito ng implikasyon sa paghubog sa mga Pilipino. Halu-halo ang kulturang namayani sa bansa kung kaya't sabi ng ilan ay nawala na ang sarili nating pagkatao. Dahil na rin sa iba't ibang kultura kaya nga nauso ang conyo, Taglish, colonial mentality, Tsinoy at kung anu-ano pa. Ngunit, ano nga ba ang tunay na kahulugan ng pagiging isang Pilipino? Nakabase lamang ba ito sa kung gaano mo kamemorya ang Lupang Hinirang; kung paano mo kasaulo ang Ako ay Pilipino; kung gaano mo kaalam ang kasaysayan nito; at kung gaano mo kaidolo si Jose Rizal?
Uumpisahan natin ito sa mga pag-uugaling taglay ng mga taong tinatawag na Pilipino.
Pilipino o Pinoy ang mga taong kilala bilang masayahin. Ano mang problema ang dumaan sa kanyang buhay, hindi mo maalis ang ngiti sa mga labi. Hindi man napakaunlad ng bansa, lagi pa rin tayong nakangiti at positibo, mga bagay na minsa’y mabuti at nakasasama. Ito na rin ang dahilan ng konsepto ng "bahala na", isang 'di kaaya-ayang ugali ng Pinoy. "Bahala na" kung ano man ang mangyari, wala mang kasiguraduhan ang lahat, tiyak kayang-kaya nilang lampasan at ngitian iyan, gaano man kasaklap ang mangyari.
Laging huli sa oras ang mga Pinoy. Alas-kwatro ang usapan ngunit alas-singko darating. Pilipino time kung ito ay tawagin na nagsasabing tila'y wala tayong pagpapahalaga sa oras. Kaya laging nahuhuli, walang progresyon, nahuhuling umunlad.
Pilipino ka rin kung ikaw ay tumuturo gamit ang iyong nguso at bumabati sa kakilala gamit ang kilay na sabay mong itataas. Nakagawian na ito sa hindi ko malamang dahilan. Inisip ko rating pagkonektahin ang mga ugaling ito sa isa pang 'di kanais-nais na ugali ng Pinoy, ang katamaran: katamaran sa pagtataas ng kamay at pagsasabi ng "hi" sa mga kaibigan.
Mahalaga rin sa mga Pilipino ang kapwa. Sabi nga, hindi ka mabubuhay ng nag-iisa. Wala itong direktang translasyon sa Ingles at ‘di hamak na mas mabigat ang kahulugan nito para sa atin. Sa kapwa natin tayo hihingi ng tulong, makikisalamuha, makikisama, mangungutang ng pera, makikipag-away, makikipagkaibigan at marami pang iba. Sa kanila rin natin matutunan kung paano mahiya at tumanaw ng utang na loob na ilan lamang sa mga ugaling kilala ang Pinoy.
Kung may konsepto kapwa, mayroon ding pakikipagkapwa-tao. Sa Pilipinas lang makikita ang kaugaliang iyan kung saan tutulong ka sa kapwa mo at pakikisamahan mo sila ng maayos para naman ganoon rin sila sa inyo. Tutulungan at dadamayan mo sila sa oras ng kagipitan, kilala mo man o hindi. Dito rin magmumula ang tinatawag na bayanihan o ang pagtutulungan nang walang hinihintay na kapalit.
Dahil may malaking parte sa isang Pinoy ang kanyang kapwa, magkakaroon siya ng hiya. Ayaw niyang magkaroon ng pangit na imahe at ayaw niyang madusta ng iba. Pahahalagahan niya ang kanyang pangalan nang sa gayoon ay may mukha siyang maiharap sa mga taong nakapaligid sa kanya. Kapag wala kang hiya, manhid ka.
Kilala rin tayo sa kagalingan nating makisama. Tayo ang kusang mag-a-adjust sa iba’t ibang ugali ng mga tao. Dagdagan pa ng pagkakaroon ng utang na loob kung saan susuklian mo ang ginawang kabutihan ng iba, kaya’t tinatangkilik at gusto tayo ng mga dayuhan.
Tayo rin ay mapagmahal sa pamilya. Mas pipiliin pa nating tumira sa bahay ng ating magulang kahit na tayo ay may sarili nang pamilya na tinatawag na extended family. Sabi pa ng iba: mas marami;mas masaya.
Marami pa tayong ugaling mabubuti, ganoon rin ang masasama na hindi ko na maiisa-isa pa. Magkaganoon man, ito ang isa sa dahilan kung bakit tayo nagiging isang Pilipino, sa dugo man o sa papel.
Ang kahulugan ng pagiging Pilipino: pagkakaroon ng pagpapahalaga sa pamilya, kapwa Diyos at bansa. Marami tayong mga ugali, nabanggit ko man o hindi, na nakaaaapekto sa mga pinahahalagahan nating iyan. Kung hindi natin makikilala ang mga ugaling ito, hindi rin natin lubos na mauunawaan ang kahulugan ng pagka-Pilipino. Ang pagiging Pilipino ay nasasalamin sa ating mga ugali, ginagawa at pagpapahalaga.
Iba’t iba man ang mga kultura, paniniwala at kaugalian na sumaplot sa bansa, mahalaga pa rin na ipagmalaki natin ito at ipagpayabong. Sa pagiging Pilipino, tatangkilikin mo ang sarili iyo at hindi mo ito ikahihiya, isinasapuso mo ang bawat linya sa pambansang awit at mga tulang Ako ay Pilipino at Pilipinas Kong Mahal. Ginagamit ang sariling wika. Pinayayabong ang magagandang ugali at tuluyan nang titigilan ang ugaling masasama. Ang pagiging Pilipino ay pagyakap sa katotohanang ikaw ay isang Pilipino, “sa isip, sa salita, at sa gawa”.
Mga katangian ng Pagiging Pilipino
Maraming katangian ang mga Pilipino na dapat ipagmalaki. Ang mga sumusunod ay deskripsyon kung paano at kailan nila ipinakikita ang mga katangian na ito:

Pagtitiwala sa Panginoon
Isang magandang katangian ng mga Pilipino ang pagtitiwala sa Panginoon. Karamihan sa kanilang mga mag-anak ay matapat sa pananampalataya. Naniniwala silang may isang Panginoong pumapatnubay sa lahat ng kanilang gawain. Batid din nilang tumutulong Siya sa mga taong tumutulong sa kanilang sarili.
Pagiging Magalang
Isang magandang pag-uugali ng mga Pilipino ang paghalik sa kamay o pisngi at pagmamano sa matatanda. Isang paraan ito ng paggalang. Karaniwang ginagawa ito ng mga bata matapos magdasal ng orasyon, pagkagaling sa simbahan, bago umalis ng bahay, kapag may dumadating o bumisitang kamag-anak o matanda, at kapag nakita at nasalubong nila ang kanilang ninong at ninang.
Ipinakikita rin ang paggalang ng mga batang Pilipino tuwing nakikipag-usap sila sa matanda. Gumagamit sila ng po at opo at magalang na pananalita at pagbati gaya ng "Salamat po" at "Magandang hapon po." Gumagamit din sila ng magagalang na pantawag sa matatanda gaya ng kuya, ate, manong, manang, lolo, lola at iba pa.
Pagtutulungan
Nagsisimula ang pagtutulungan sa sariling tahanan. Nagtutulung-tulong ang mga kasapi ng mag-anak sa mga gawain dito. nagtutulungan din ang baway isa sa magkakapitbahay upang maisaayos at mapaunlad ang kanilang pamayanan. Iyan ay likas na katangian ng isang Pilipino.
Ang karaniwang tawagan sa pagtutulungang ito ay bayanihan. Tumatawag ang magkakapit-bahay ng bayanihan kapag may malaking gawain isasagawa sa maikling panahon. Nagtutulungan ang bawa't isa upang maging magaan ang isang mahirap na gawain. Kalimitang ginagawa ito tuwing panahon ng pagtatanim at pag-aani at sa paglilipat ng isang bahay sa ibang lugar.
larawan mula sa: www.cag.lcs.mit.edu/ bayanihan/bayanfnl.jpg
Mabuting Pagtanggap at Pakikitungo

Kilala ang mga Pilipino sa mabuti at magiliw na pagtanggap. ibig nilang masiyahan at maging maginhawa ang kanilang mga panauhin. nagsisilbi sila ng pinakamasarap na pagkaing kanilang makakaya at naghahanda ng maayos na tulugan para sa mga bisita. Nagbibigay pa sila kung minsan ng mga regalo kapag paalis na ang kanilang mga panauhin.
Pagsama-sama ng Pamilya
Karamihan sa mga mag-anak na Pilipino ay may maganda at malapit na pagsasama-sama. Nagtutulungan ang bawat kasapi sa pagsasagawa ng mga gawaing-bahay. Madalas dumadalaw sa magulang ang nag-asawang anak kapag ito'y naninirahan sa ibang lugar. Nagsasama-sama pa ang mag-anak tuwing may "family reunion" kung Pasko at iba pang pagdiriwang o okasyon. Iyan ang nagpapakita kung paano nagkakaisa ang mga mag-anak na Pilipino.
Inaalagaan at minamahal ng bawat miyembro ng mag-anak ang matandang kasapi nito. Tungkulin ng bawat Pilipino na magsilbi sa kanyang matatandang magulang, mga lolo't lola, at kamag-anak hanggang sila'y nabubuhay. Iyan ang paraan ng pagpapakita ng magandang pagtingin sa matatanda.
Mula sa Librong Bayanihan 2 ni Priscila B. Dizon
Maikling Pagsasanay:
A. Ano ang ipinakikitang katangian ng mga sumusunod na Pilipino:
1. Nagpapasalamat araw-araw sa Panginoon si Mina.
2. Naghahanda ng meryenda si Gng. Santos para sa kanyang mga panauhin.
3. Tinutulungan nina Ninoy at Dino ang kanilang kapatid sa takdang-aralin nito sa matematika.
4. Tumutulong so Aling Betty kay Aling Tinay sa pagluluto ng pagkain para sa kaarawan ng kanyang anak.
5. Gumagamit ng po at opo si Tina sa pakikipag-usap sa matatanda.
B. Sabihin kung Tama o Mali ang mga sumusunod na pangungusap:
1. Karamihan sa mga mag-anak na Pilipino ay matapat sa kani-kanilang relihiyon.
2. Nagpapakita ng paggalang ang mga Pilipino sa paggamit ng po at opo.
3. Humahalik sa kamay o nagmamano sa matatanda pagkatapos ng orasyon ang mga bata.
4. Lalong nagiging mahirap ang gawain pagnagtulungan.
5. Nagpapakita ang mga Pilipino ng magandang pagtanggap kapag nagsisilbi ng marami at mamahaling mga pagkain.